DOTr sa digital driver's license ng LTO: 'Eh pwede ba ipakita sa enforcer 'yan?

Kuha kay Transport Secretary Jaime Bautista matapos ang isang press briefing sa New World Makati Hotel, ika-10 ng Mayo, 2023
Philstar.com/James Relativo

MANILA, Philippines — Kailangan pa raw pag-aaral nang husto bago igulong ang planong "digital driver's license" ng Land Transportation Office — posibleng pagmulan daw kasi ito ng problema kung hindi maipapatupad nang maayos, ayon sa Department of Transportation.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang ibunyag ng LTO ang plano nitong maglunsad ng electronic version ng mga lisensya. Layun nitong palitan ang inilalabas na temporary licenses na pini-print lang ngayon sa papel bunsod ng shortage sa plastic cards.

"Actually we have to study that very carefully with the [Department of Information and Communications Technology]," wika ni Transporation Secretary Jaime Bautista sa reporters nitong Miyerkules sa reporters.

"Kailangan lang pag-aralan natin. Kasi dapat tignan ba natin, for example may violation, paano mache-check 'yan noong ating mga enforcers?"

Lunes lang nang sabihin ni LTO chief Jay Art Tugade na kukunin nila ang serbisyo ng DICT para sa naturang e-license, na siyang magiging bahagi raw ng pagsusumikap ng ahensyang i-digitalize ang kanilang mga serbisyo.

Aniya, isasama raw ito sa "super app" na dine-develop ngayon ng DICT. Una nang sinabi ni Tugade na pwedeng ipakita sa law enforcement officers ang digital licenses oras na ma-apprehend. Pero gusto muna raw 'yan matiyak ni Bautista.

"So there are issues that need to be cleared," banggit pa ng DOTr official.

Nag-ugat ang paglalabas ng LTO ng temporary paper licenses matapos maglabas ng DOTr ng department order na nagsasabing sa kanila dapat dumaan ang anumang procurement na aabot ng P50 milyong halaga pataas.

Una nang in-extend ng LTO ang validity ng mga lisensyang mag-e-expire sa noong Abril patungong Oktubre kaugnay ng nasabing shortage.

Inaatasan naman ngayon ni Bautista ang National Printing Office na mag-deliver ng 5 milyong plastic driver's licenses sa loob ng 60 araw upang mapabilis ang paglalabas nito sa publiko.

Show comments