Red alert sa suplay ng kuryente, nagbabadya
MANILA, Philippines — Inaasahan ng Department of Energy (DOE) na mailalagay ang Luzon Grid sa ‘Yellow Alert Status’ ng 15 beses habang nagbabadya rin ang pagdedeklara ng ‘red alert’ ngayong taon.
Ayon sa DOE, inaasahan ang yellow alerts ngayong buwan ng Mayo, ilang linggo sa Hunyo, Agosto, Setyembre, Oktubre at sa Nobyembre.
Nangangahulugan ang yellow alert na mayroon na lamang manipis na reserba ang power grids.
Sinabi ni Energy Undersecretary Rowena Cristina Guevarra, na ang pinakahuling projection nila ay base sa ‘worst-case scenario’ at kasalukuyang problema sa transmisyon.
“The delays, unfortunate ano, sana ‘yung delay hanggang before summer sana, but then it extended all after summer pa matatapos, that’s why we have this situation,” saad ni Guevarra.
Posible namang magkaroon ng red alert kung mauulit ang power tripping tulad ng naganap nitong nakaraang Lunes.
Nangangahulugan naman ang ‘red alert status’ na may ‘zero ancillary service’ at matinding kakulangan sa ‘power generation’. Nagdulot ito ng ‘rotational brownouts’ sa Metro Manila nitong nakaraang Lunes.
Ito ay dahil sa limang planta ng enerhiya ang nagpatupad ng puwersahang ‘outages’ habang tatlo pa ang mababa ang kapasidad dahil sa ‘tripping’ na naganap sa Bolo-Masinloc transmission line.
Naghihintay pa ang DOE ng opisyal na paliwanag, pero sa inisyal na impormasyon, naganap ang tripping dahil sa mabigat na ulan at kidlat na tumama sa transmission line.
- Latest