State of calamity dahil sa ASF, pinadedeklara

Sa Senate resolution 565 na inihain ni Tolentino, sinabi niya na kumalat na ang ASF sa mga babuyan sa may 54 na lalawigan na mahigit na sa kalahati ng 82 lalawigan sa buong bansa.
AFP / File

MANILA, Philippines — Nais ni Senador Francis Tolentino na ideklara ang state of national calamity dahil sa paglaga­nap ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Sa Senate resolution 565 na inihain ni Tolentino, sinabi niya na kumalat na ang ASF sa mga babuyan sa may 54 na lalawigan na mahigit na sa kalahati ng 82 lalawigan sa buong bansa.

Bukod dito, tinukoy rin ng Senador ang babala ng Philippine Chamber of Agriculture ang Food Incorporated na lalo pang tataas ang presyo ng kada kilo ng  karneng baboy sa pamilihan kapag manipis ang supply nito dahil sa ASF.

Tinukoy din sa resolusyon ang kumpirmasyon ng Department of Agriculture (DA) tungkol sa babala ng national livestock program na ma­aring kapusin sa Hunyo ng 46,000 metric tons ang supply karneng baboy at maaring hindi matugunan ang demand ng publiko na mahigit na 145,000 metric tons.

Paliwanag ni Tolentino na kapag nagdeklara ng state of calamity sa buong bansa ng dahil sa ASF ay magagamit ng DA, mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng ­gobyerno ang kanilang quick response fund at iba pang pondo para makagawa ng aksyon at programa para mapigilan ang pagkalat ng ASF at para matulungan ang mga nalulugi sa swine industry.

Maaari rin umanong iutos ng Pangulo ang paggamit ng savings ng ibang ahenisya para dito.

Unang na-detect ang ASF sa bansa noong 2019 at kumalat sa may 458 na bayan sa katabing lalawigan, kaya mara­ming babuyan ang isinara at maraming baboy ang pinatay at ibinaon para hindi na kumalat ang ASF.

Dahil dito kaya lumiit ang supply at tumaas ang presyo ng karneng baboy.

Show comments