MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isusulong at poprotektahan ang interes ng Pilipinas sa kanyang paglahok sa 42nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit sa Indonesia simula ngayong Mayo 10 hanggang Mayo 12 sa Labuan Baju, Indonesia.
Sa kanyang pre-departure speech sa Villamor Air Base sa Pasay City, sinabi ni Marcos na tatalakayin niya sa kanyang mga kapwa lider ng ASEAN ang ilang mga isyu, kabilang ang mga pagsisikap na mapanatili ang kaunlaran sa ekonomiya, makamit ang seguridad sa pagkain at enerhiya.
Isusulong din ni Marcos ang pagpapalakas sa kalakalan at pamumuhunan, pagtugon sa mga transnational na krimen. at proteksiyon sa mga migrant workers.
Sinabi rin ng Pangulo na siya at ang kanyang mga kapwa lider sa Southeast Asia ay magpapalitan ng mga kuru-kuro tungkol sa mga “pressing issues of common concerns” katulad ng mga pag-unlad sa West Philippine Sea, ang sitwasyon sa Myanmar at mga “major power rivalries.”
Nagpahayag si Marcos ng kumpiyansa na magkakaroon siya ng produktibong pakikipag-ugnayan sa siyam na iba pang mga lider ng ASEAN.
Dadalo rin si Marcos sa 15th Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines-East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) Summit.