MANILA, Philippines — Inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 2113 na naglalayong isama ang financial literacy at entrepreneurship bilang magkahiwalay na core subject sa junior at senior high school curricular ng K-12 program.
Ang panukala ay susog sa Republic Act No. 10679 o ang Youth Entrepreneurship Act.
Layon nito na isulong ang entrepreneurship sa kabataang Pilipino sa pamamagitan ng mga programa at serbisyo na magpapaunlad sa kanilang entrepreneurial at mindset.
Binanggit ni Go na sa Global Entrepreneurship Monitor, 46% ng Pilipino ay may napakapositibong pananaw sa mga oportunidad sa pagnenegosyo, partikular ang mga bagong henerasyon. Nakikita nila ito bilang isang alternatibo sa trabaho para sa pagpapabuti ng kanilang katayuan sa lipunan at ekonomiya.
Sinabi ni Go na sa pamamagitan ng pagtuturo ng financial literacy at entrepreneurship sa mga paaralan, mabibigyang kapangyarihan ang kabataan na maging tagalikha ng trabaho at magkaroon ng magandang posisyon para sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya.
“Ang kabataan ang kinabukasan ng ating bayan. Bigyan natin sila ng kailangan nilang kaalaman para magkaroon ng mas magandang oportunidad na umunlad. Tulungan natin silang makaahon lalo na ‘yung mga mahihirap,” paliwanag niya.
Bagama’t ang entrepreneurship ay kasama na bilang isa sa mga track subject sa K-12 curriculum, ang panukalang batas ay layong ipakilala ang financial literacy at entrepreneurship na magkahiwalay na core subject, kasama ang matematika, agham, komunikasyon, at iba pa.