MANILA, Philippines — Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko na 'wag muna magpakampante laban sa banta ng COVID-19 dahil hindi pa rin tapos ang pandemya — ito matapos ang pinakabagong anunsyo ng World Health Organization (WHO).
Ilang araw na kasi ang nakalilipas nang ideklara ng WHO na tapos na ang public health emergency of international concern (PHEIC) kaugnay ng nakamamatay na COVID-19 na siyang nakataas simula pa Enero 2020.
Related Stories
"Ang gusto ko lamang pong ibahagi sa ating kababayan that part of the discussions yesterday, unang-una ni-reiterate natin: ang public health emergency of international concern na ini-lift ng WHO is not equated to the pandemic," sabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, Martes, sa isang media forum.
"So even though the WHO has already lifted the public health emergency of international concern status, hindi ho nila sinabing tapos na ang pandemya."
Nangyayari ang lahat ng ito ngayong tumataas uli ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Kasalukuyang nasa 12,161 ang aktibong kaso ngayon ng virus.
Sa kabila nito, hindi naman inirerekomenda ng DOH ang pagbabalik ng sapilitang pagsusuot ng face masks habang nagbubukas ang ekonomiya at halos ibinaba na ang karamihan ng restriksyon.
Nakapag-usap naman na raw ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases nitong Lunes, kasama ang DOH, at nakapagbigay na ng mga rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. patungkol sa mga maaaring ipatupad na pagbabago sa mga polisiya sa bansa kasunod ng deklarasyon ng WHO.
Gayunpaman, nananatiling "confidential" pa ang mga nilalaman ng naturang pagpupulong.
Nangangamba ngayon ang ilan kaugnay ng WHO declaration kung paano nito maaapektuhan ang mga panuntunan sa kalusugan at libreng pagbabakuna laban sa COVID-19. Gayunpaman, inilinaw ni Vergeire na magkaiba ang global declaration ng WHO sa public health emergency o state of emergency ng Pilipinas pagdating sa virus.
Patuloy pa rin naman daw ipapatupad ang kung ano ang meron sa ngayon habang nagsisimula nang gumulong ang pagtuturok ng ikalawang booster shots laban sa COVID-19 sa general adult population.
"Kaya gusto ho nating paalalahanan ang ating mga kababayan na even though the public health emergency of international concern has been lifted we cannot be complacent at this point. Kailangan tuloy-tuloy pa rin tayong magmatyag," sabi pa ni Vergeire.
"We are vigilant at kailangan palagi pa rin tayong aware. Alam natin kung anong gagawin natin kung paano proproteksyunan ang ating sarili pati na po ang ating mga kamag-anak."
Kasalukuyang nasa 4.1 milyon na ang tinatamaan ng COVID-19 sa bansa simula nang makapasok ito sa Pilipinas noong 2020. Sa bilang na 'yan, patay na ang 66,453 katao.