MANILA, Philippines — Nakabalik na sa bansa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa kanyang biyahe sa Amerika at United Kingdom kung saan dumalo siya sa koronasyon ni King Charles III.
Sinabi ng Malacañang na hindi na nagkaroon ng arrival honors at sinalubong ang Pangulo ng chief of protocols at mga opisyal ng Air Force, Linggo ng gabi.
Nag-post din ng larawan sa kanyang Instagram si First Lady Liza Marcos, na bumiyahe kasama ang Pangulo kung saan sinabi niyang masarap sa pakiramdam na nakauwi na sila.
Ilang oras matapos ang kanyang pagdating, naglabas ng statement si Marcos kung saan binati niya sina King Charles III at Queen Camilla sa kanilang koronasyon noong weekend sa London.
“It was as grand and magnificent a ceremony as could have been, full of symbolism and weighted by history. It was a great honor for me to represent the Philippines on such a historic occasion,” ani Marcos sa statement.
Sinabi rin ni Marcos na isang araw bago ang koronasyon ay nakausap niya si King Charles kung saan ipinaabot niya ang pagbati ng sambayanang Pilipino.
Kinumusta rin aniya ni King Charles III ang kanyang ina, si dating Unang Ginang Imelda Marcos at nagkuwento pa ng kanilang memories.
Sinabi rin ni Marcos na hangad ng mga Pilipino na maghari ng mahabang panahon si King Charles III at sana ay maging simula ang kanyang koronasyon ng isang bagong kabanata ng kapayapaan, pag-unlad, at kaunlaran para sa United Kingdom at Commonwealth.