Isyu sa driver’s license at plaka
MANILA, Philippines — Pinasisilip sa Senado at Kamara ang information technology (IT) contractor ng Land Transportation Office (LTO) hinggil sa mga isyung hindi pa nareresolba gaya ng driver’s license at vehicle registration.
Sinabi ni Ariel Lim, National Public Transport Coalition (NPTC) president, na matapos ang 14 extensions at mahigit na dalawang taong delay, hindi pa rin nabubuo ng German contractor Dermalog ang integrated system para sa LTO na siyang nakakaapekto sa pagproseso ng ilang dokumento gaya ng pagkuha ng driver’s license at renewal ng rehistro ng sasakyan.
Nakabayad na rin ang LTO ng 80% ng P3.4 bilyon para sa nasabing kontrata.
Dahil sa pagkabigo ng Dermalog na sumunod sa kontrata, ay apektado nito ang pagpoproseso ng driver’s licenses at motor vehicle registrations; paglaganap ng korupsiyon sa ahensiya, pagdami ng colorum na public transport at maging pagtaas ng kaso ng karnapping.
Ayon pa kay Lim, dapat magpaliwanag ang Dermalog kung bakit hindi ito nakasunod sa kontrata na aayusin ng IT system sa loob ng anim na buwan, mula sa delivery date noong December 2018.
Tinututukan na umano ni LTO chief Jose Art “Jay Art” Tugade ang nasabing isyu at binabalak na magpataw ng penalty sa Dermalog o kaya ay tuluyan ng ibasura ang kontrata.
Nabatid na namana ni Tugade ang problema na ito dahil nang maupo siya noong Nobyembre 2022 ay pirmado na ang joint venture agreement noong 2018.