MANILA, Philippines — Kinoronahan na kahapon sina King Charles III at Queen Camilla ng Britain sa Westminster Abbey sa London.
Personal na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nasabing royal event na dinaluhan din ng mga lider ng ibang bansa na inimbitahan sa okasyon.
Naglakbay sina Charles at Camilla patungo sa Abbey sakay sa Gold State Coach na hinila ng anim na kabayo na sinamahan ng Household Cavalry.
Si Charles, 74, ay naging Hari sa pagkamatay ng kanyang ina, si Queen Elizabeth II noong Setyembre 2022 at kahapon isinagawa ang pormal na pagpuputong ng korona.
Ayon sa ulat, naging mahigpit ang seguridad sa araw ng koronasyon kung saan mahigit 11,509 opisyal ang naka-duty sa London.
Ipinatong kay King Charles ang St. Edwards’s Crown na gawa sa solid gold at napapalamutian ng 400 gemstones kabilang ang rubies, garners at sapphires.
Ang nasabing crown ay huling ginamit noong 1953 ni Queen Elizabeth II na tumitimbang ng 5 pounds.
Iniulat na noong koronahan ang namayapang si Queen Elizabeth ay nasa 8,000 bisita ang dumalo mula sa 129 na bansa na naglakbay sa Westminster Abbey pero nilimitahan lamang sa 2,000 ang bisita sa koronasyon ni King Charles upang masunod ang health at safety restrictions.