MANILA, Philippines — Aminado si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nagkaroon umano ng mga pang-aabuso ng ilang elemento sa gobyerno sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang mga sindikato ng iligal na droga ay mas lalong lumakas, yumaman at naging maimpluwensiya.
Sa question and answer portion sa Center for Strategic and International Studies (CSIS) sa Washington, sinabi ni Marcos na ang anti-narcotics drive ng nagdaang administrasyon ay masyadong nakatutok sa “enforcement” kaya masasabing may mga pang-aabuso ng ilang elemento sa gobyerno.
Ipinahiwatig ni Marcos na ito ang dahilan kung bakit bumuo ng komisyon ang kanyang gobyerno at pinag-resign ang mga police officers mula colonel pataas.
Pero tumanggi si Marcos na magbigay ng assessment sa drug war ng nagdaang administrasyon dahil hindi aniya ito tama.
“I’m in no position to assess the administration of anybody else. That is not proper for me to --- that’s not a proper role for me to take. But when you asked what we are doing, well, alam naman ninyo lahat. We formed the commission to --- and I asked for the resignation of all the police officers, colonel up, so that we can assess and see and study what their records are,” ani Marcos.
Ayon kay Marcos, hindi ang mga maliliit na tao na nakikita sa mga lansangan ang nagpapatakbo ng ilegal na droga kundi ang mga matataas na opisyal na kung minsan ay pulis at kung minsan ay nasa gobyerno kaya sila ang kanilang hinahabol.
Ayon sa ulat, sa opisyal na data ay nasa 6,181 katao ang napatay sa “giyera laban sa droga”, na nagsimula noong 2016, pero ayon sa mga grupo ng mga karapatan, maaaring umabot sa 30,000 ang namatay.
Bagaman at tumanggi si Marcos na magsalita laban kay Duterte, binanggit niya na ang iligal na droga ay nananatiling pinagmumulan ng maraming kriminalidad sa Pilipinas.
Samantala, binanggit rin ni Marcos na sa kasalukuyan, dalawa na ang opisyal ng pulisya ang nagbigay ng courtesy resignation na tinanggap na at mahigit pa sa 30 ang under investigation.
Idinagdag din ni Marcos na may mga opisyal na nagbubulag-bulagan lamang pero mayroon din na pinalalakad ang tropa nila para tulungan ang sindikato ng droga.
Gayunman, sinabi rin ni Marcos na marami sa mga pulis ang hindi sangkot sa droga.