Mangingisda naghahanda sa hagupit ng El Niño; gobyerno pinaghahanda

A fisherman walked on the beach in Lingayen, Pangasinan, looking for a place to spread his nets to catch fish on November 23, 2022.
STAR/Cesar Ramirez

MANILA, Philippines — Hinahamon ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang gobyerno na maghanda ng contingency plan para sa sektor ng pangingisda sa gitna ng banta ng tagtuyot dahil sa El Niño.

Kamakailan lang kasi nang maglabas ng El Niño alert ang PAGASA, na posible raw pumasok simula Hunyo. Sinasabing nasa 80% ang probability na magtuloy-tuloy ito hanggang unang quarter ng 2024 na nangangahulugan ng "below-normal rainfall conditions."

"Pinaghahandaan na ng mga mangingisda ang matagalang tagtuyot at ang malubhang epekto nito sa aming kabuhayan," ani Ronnel Arambulo, tagapagsalita ng PAMALAKAYA, Huwebes.

"Mas mahirap ang pangingisda sa tuwing El Nino dahil nagpapalipat-lipat ng lugar at nananatili sa mas malalim na bahagi ng dagat ang mga isda sa paghahanap ng mas malamig na temperatura."

Tuwing may El Niño, madalas din daw ang malawakang fish kill at red tide sa mga palaisdaan sa dahilang bumabagsak ang lebel ng dissolved oxygen sa tubig.

Sa Lawa ng Laguna, naglalasa at nag-aamoy putik na rin daw ang mga isda buhat nito na nagreresulta sa pagbaba ng farm gate price sa mga maliliit na mangingisda na siyang pinanggagalingan daw ng mas mababang kita at kagutuman ng kanilang pamilya.

Tumutukoy ang farm gate price sa presyo ng produkto kapag direktang binili mula sa producer gaya ng mga magsasaka o mangingisda bago pa ito makarating ng palengke.

"Malinaw na kagutuman ang hatid ng El Niño sa mga mangingisda at magsasaka na pangunahing sinasalanta nito," dagdag pa ni Arambulo.

"Kaya nananawagan kami sa pamahalaan na magkaroon ng agaran at konkretong hakbang para maibsan ang pamiminsala ng El Niño sa agrikultura at pangisdaan."

Abril lang nang ipag-utos ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagbuo ng isang El Niño team para solusyunan ang banta ng napipintong dry spell, kakabit ng isang information drive pagdating sa pagtitipid sa tubig at kuryente.

Miyerkules lang nang manawagan ng P15,000 ayuda ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas bilang "production subsidy" para sa mga magsasaka at mangingisda, ito lalo na't nakikitang bababa ang kanilang ani at huli sa tinatayang abonormal na kakulangan ng ulan. 

Nangyayari ang lahat ng ito sa gitna ng warm dry season sa Pilipinas o tag-init. Sa panahong ito, karaniwang umabot ng 40°C pataas ang heat index, o 'yung init na nararamdaman ng tao.

Show comments