UN pinaghahanda ang mundo sa El Niño, bagong heat records
MANILA, Philippines — Nagbabala ang United Nations (UN) nitong Miyerkules tungkol sa lumalaking posibilidad na magkaroon ng bagong heat records dahil sa weather phenomenon na El Niño na mararanasan sa mga susunod na buwan.
Sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ng World Meteorological Organization ng UN ang 60% na posibilidad na ang El Niño ay mag-develop sa katapusan ng Hulyo at mayroon ding 80% tiyansa na maganap ito sa katapusan ng Setyembre.
Ang El Niño, ayon sa ulat ay isang natural na climate pattern ng klima na karaniwang nauugnay sa pagtaas ng init at tagtuyot sa buong mundo, at malakas na pag-ulan sa ibang lugar.
Ito ay huling naganap noong 2018 hanggang 2019.
Mula 2020, ang mundo ay tinamaan ng napakahabang La Niña na kabaligtaran naman ng El Niño.
Gayunpaman, sinabi ng UN na ang huling walong taon ang pinakamainit na naitala, sa kabila ng paglamig ng epekto ng La Niña sa halos kalahati ng panahong iyon.
Sinabi ni WMO chief Petteri Taalas na ang La Niña ay nagsisilbing isang pansamantalang preno sa pandaigdigang pagtaas ng temperatura.
Sinabi rin ni Taalas na ang pagbuo ng isang El Niño ay malamang na humantong sa isang bagong spike sa pandaigdigang pag-init at tataas ang posibilidad na magkaroon ng bagong world record sa temperatura kaya kailangang magkaroon ng early warning device upang maging ligtas ang mga tao.
“The world should prepare for the development of El Niño,” pahayag ni Taalas.
- Latest