MANILA, Philippines — Apat na matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang inirekomendang tanggalin sa serbisyo bunsod ng pagkakasangkot sa iligal na droga.
Ayon kay dating PNP Chief Rodolfo Azurin Jr., pinuno ng 5-member advisory group, inirekomenda nila na tanggapin ang courtesy resignation ng dalawang general at dalawang colonel.
Ang naturang mga opisyal ay kasama sa 36 na pulis na tinitignan na may kaugnayan sa iligal na droga.
Hindi naman nito binanggit ang pangalan ng apat dahil ipinauubaya na nila ito sa National Police Commission (Napolcom).
Umaasa si Azurin na pagtitibayin ni bagong PNP chief, Police General Benjamin Acorda Jr. ang kanilang rekomendasyon.
Matatandaang hinikayat ni Interior Secretary Benhur Abalos noong Enero na magsumite ng courtesy resignation ang mga senior PNP officials bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na linisin ang puwersa ng pulisya ng mga opisyal na may kaugnayan sa sindikato ng droga.
Ang 5-man advisory group ay nabuo upang suriin ang mga resignations at magrekomenda ng mga hakbang na dapat gawin.