Studes na nagbe-vape, naninigarilyo sa iskul babantayan ng PNP
MANILA, Philippines — Bantay sarado sa Philippine National Police (PNP) ang mga paaralan sa bansa laban sa mga estudyante at menor-de-edad na naninigarilyo at nagbe-vape.
Ayon kay PNP-Public Information Officer Chief PCol. Redrico Maranan, kasabay ito ng pagpapatupad ng batas laban sa vaping at paninigarilyo o Republic Act (RA) 11900 at RA 9211 at Executive Order (EO) 26.
Sinabi ni Maranan na dapat na maging mahigpit na sa pagpapatupad ng batas upang agad na masagip ang mga kabataan partikular ang mga menor-de-edad sa mga bisyo.
Katuwang ng PNP sa implementasyon ng batas ang ordinansa mula sa mga local government units.
Magsasagawa rin ng Oplan Bisita Eskwela kung saan magpapakalat ng mga pulis sa mga komunidad at paaralan.
Sakaling makahuli ang mga pulis ang mga menor-de-edad na nagbe-vape o naninigarilyo, kukumpiskahin ang mga sigarilyo at electronic cigarettes o vapes at agad na ire-report sa mga school officials para mapagsabihan ng mga magulang.
Maging ang mga tindahan at mga establisimyento sa palibot ng mga paaralan ay iinspeksiyunin upang malaman kung ang mga ito ay nagbebenta sa menor-de-edad.
- Latest