Higit 600 nabigyan ng trabaho ‘on-the-spot’

Individuals queue at the quadrangle of Marikina City Hall to look for jobs on Labor Day, May 1, 2023.
STAR/Ernie Penaredondo

MANILA, Philippines — Nabigyan ng trabaho ‘on-the-spot’ ang nasa 673 aplikante sa ginanap na 2023 Labor Day Job Fair ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa ulat ng Job Fair organizers nitong Mayo 1 dakong ala-1 ng hapon, umabot sa kabuuang 15,049 ang aplikante na dumagsa sa mga job fair sites sa bansa.

Sa naturang bilang, nasa 673 lamang sa kanila ang ‘hired on-the-spot (HOTS)’ o katumbas na 4.47% lamang ng kabuuang bilang ng jobseekers.

Nangunguna sa mga uri ng trabaho na may pinakamaraming HOTS ang mga service crews, financial advisors, production clerks, cashiers, at drivers.

Hindi naman nagbigay pa ng dahilan ang DOLE sa mababang porsyento ng mga nabig­yan ng trabaho sa job fairs.

Ayon pa sa ulat, nasa 426 aplikante ang ini-refer sa Technical Education and Skills Development Autho­rity (TESDA) para isailalim sa pagsasanay na angkop sa trabaho; nasa 142 ang ini-refer sa livelihood programs; at 203 ang ini-refer sa Department of Trade and Industry (DTI).

Umabot sa 1,810 ang mga lumahok na ahensya at kumpanya sa job fairs.

Show comments