Mga natalo sa 2022 elections, itatalaga ni Marcos sa Gabinete

MANILA, Philippines — Inamin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may mga itatalaga siyang mga karagdagang tao sa kanyang Gabinete mula sa mga natalong kandidato noong 2022 elections.

Sinabi ng Pangulo na maraming mga magagaling ang hindi pinalad noong eleksiyon at gustong tumulong sa gobyerno.

“Marami namang magaling na hindi nanalo sa eleksyon na gustong tumulong. So we will certainly look into that in different positions,” ani Marcos sa panayam ng media sakay ng Flight PR 001 noong Linggo.

Nilinaw ni Marcos na hindi naman magkakaroon ng balasahan sa Gabinete kundi magdaragdag lamang ng tao sa ikalawang taon ng kanyang termino.

“More or less, for the beginning of… the second year of my term, palagay ko mayroong mga ano. Not a shuffle but we will add people to Cabinet, para palakasin ang Cabinet,” ani Marcos.

Pero tumanggi si Marcos na sabihin sa media ang mga pangalan ng mga bagong appointees dahil gusto niyang makipag-usap muna sa kanyang mga kukunin para sa Gabinete.

“Hindi naman nila dapat marinig sa press. Dapat marinig nila ito sa akin. Kami muna mag-usap,” ani Marcos.

Tumanggi rin si Marcos na sabihin kung magtatalaga na siya ng Kalihim sa Agriculture na hinahawakan niya sa ngayon.

Batay sa Artikulo IX-B, Seksyon 6 ng 1987 Constitution, walang kandidatong natalo sa alinmang halalan ang maaaring magkaroon ng katungkulan sa gobyerno o government-owned o controlled corporations at kanilang subsidiaries sa loob ng isang taon.

Ang presidential polls ay ginanap noong Mayo 9, 2022.

Show comments