MANILA, Philippines — Walang magaganap na anunsyo ng dagdag-sweldo sa mga manggagawa ngayong Mayo 1, Labor Day habang pinag-aaralan pa ang mga petisyon, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
“Sa May 1, walang lalabas na adjustment [sa sahod] agad kasi dumaraan pa sa proseso,” ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
Mayroong walong nakabinbin na petisyon para sa dagdag-sahod na isinasailalim pa rin sa review ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa mga lugar na nagkaroon ng apela.
Kabilang sa mga lugar na may petisyon para dagdagan ang sahod ng mga obrero ang National Capital Region, Calabarzon, Western Visayas, at Central Visayas.
Ngunit ayon kay Laguesma, kailangang sundan ng RTWPB ang ‘time frame’ para sa pagbababa ng desisyon sa dagdag-sahod at hindi kailangan na itapat ito sa Mayo 1.
Sa ngayon, magkakasya na lamang ang mga manggagawa sa inihandang mga aktibidad ng DOLE tulad ng “Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa”, pamamahagi ng tulong ng pamahalaan sa ilalim ng iba’t ibang programa ng DOLE, mga job fairs, at livelihood at business fairs sa buong bansa.
Ayon sa DOLE, aabot sa P1.8 bilyong halaga ng suweldo ng sumailalim sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program at iba pang tulong pinansyal ang ipamamahagi sa 313,943 manggagawa ngayong Labor Day.
Bahagi rin ng naturang halaga ang livelihood assistance sa mga mahihirap na nasa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) o Kabuhayan Program.
Maging ang bayad sa mga intern ng gobyerno sa ilalim ng DOLE-Government Internship Program, at sahod ng mga batang manggagawa sa ilalim ng Special Program for Employment of Students (SPES).