Mas malakas na ugnayan sa US, target
MANILA, Philippines — Lumipad na patungong Estados Unidos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa official visit sa Washington D.C. kasama ang kanyang delegasyon.
Sa kanyang departure speech sa Villamor Airbase, sinabi ng Pangulo na layunin ng kanyang biyahe na mas lalo pang patatagin ang magandang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa 21st century.
Matapos ang 10 taon, ay ito na ang kauna-unahang pagbisita ng Presidente ng Pilipinas sa Amerika na inaasahang magpapaigting sa relasyon ng dalawang bansa.
Bukod pa rito ang nakatakdang pagpupulong nila ni US Pres. Joe Biden ay para maisulong ang pambansang interes at pagpapalakas sa alyansa ng Pilipinas at Amerika.
Iginiit pa ni Marcos na ipaparating niya kay Biden at sa kanyang Gabinete ang mas matatag na ugnayan sa Amerika sa lahat ng aspeto tulad ng food security, agricultural productivity development, digital economy, energy security, climate change, cybersecurity.
Gayundin ang pagtiyak sa katatagan laban sa mga banta sa ekonomiya, balakid sa global supply chain at economic coercion.
Isa rin umano sa magiging tampok sa kanyang biyahe ang paghahanap ng mga oportunidad para sa pamumuhunan at kalakalan, science and technology at innovation and cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.