Pangulong Marcos igigiit ang mapayapang South China Sea sa US visit
MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes na bibigyang-diin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pagnanais nito namagkaroon ng mapayapang South China Sea sa kanyang nalalapit na opisyal na pagbisita sa Estados Unidos sa susunod na linggo.
Ito ang inihayag ni Foreign Affairs spokesperson Teresita Daza matapos matanong kung ano ang isusulong ni Marcos kay US President Joe Biden sa kanilang bilateral meeting sa Washington sa gitna ng pinakahuling insidente ng banggaan sa Spratly Islands.
Sinabi ni Daza na hindi niya maaaring pangunahan ang Pangulo pero sa tingin niya ay bibigyan nito ng punto ang nais mangyari sa South China Sea at West Philippine Sea na magkaroon ng katahimikan, seguridad, katatagan at kaunlaran.
“I cannot preempt the President but I think the President will underscore what we want the waters to be and we want the waters, the sea, particularly the South China Sea and the West Philippine Sea, to be a sea of peace, security, and stability, and prosperity,” ani Daza.
Sinabi rin ni Daza na aasahan din ng Pangulo ang aktuwal na pagsuporta ng Amerika sa pagsisikap ng Pilipinas na pahusayin ang maritime cooperation at pagtataguyod ng international law at kalayaan sa paglalayag.
Ayon sa ulat, isang barko ng Chinese coast guard ang humarang sa isang Philippine patrol vessel na may mga sakay na mga mamamahayag sa pinagtatalunang South China Sea na nagdulot ng muntik na banggaan.
Ipinahiwatig ni Daza na alam ni Marcos ang mga nangyayari at palaging naaayon ang direktiba nito sa pagtataguyod ng interes ng bansa.
Gumawa na rin aniya ang DFA ng assessment sa incident report na ipinasa sa kanila ng mga concerned agencies gaya ng Philippine Coast Guard. .
- Latest