MANILA, Philippines — Pinaigting pa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang all-out war campaign nito laban sa mga tax evaders na gumagamit ng mga pekeng resibo o ghost receipts sa kanilang mga negosyo.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr., sa pamamagitan ng inilunsad na National Task Force - Run After Fake Transactions (RAFT) ay padadalhan na rin ng notice ang mga negosyanteng patuloy na tumatangkilik at bumibili ng mga pekeng resibo.
Ang naturang Task Force ay binuo para magsagawa ng audit at imbestigahan ang mga buyer ng ghost receipts at direktang magrereport sa Commissioner.
Sinabi pa ni Lumagui na may hawak na itong listahan ng mga buyer ng pekeng resibo at pupuntiryahin ang mga ito isa-isa.
Nitong Marso 2023 nang magdeklara ang BIR ng all out war vs fake receipts ay marami na ang nahuli at nasampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng pamemeke ng resibo.