MANILA, Philippines — Matapos tanggihan ang motion for reconsideration (MR) ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa News and Entertainment Network Corp. (Newsnet), inihayag ng Komisyon na iaakyat nito ang kaso sa Kataas-taasang Hukuman dahil hindi pa naman umano pinal ang desisyon ng Court of Appeals (CA).
Naninindigan ang NTC na hindi dapat na ipatupad pa ang mandamus dahil binawi naman din ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang una nitong desisyon na may petsang Pebrero 12, 2020 kung saan inaatasan nito ang regulatory body na aprubahan ang aplikasyon ng Newsnet na mag-install, mag-operate, at mag-maintain sa bansa ng isang local multi-point distribution system (LMDS).
Ang LMDS ay ginagamit para makapaghatid ng interactive pay television at iba pang multimedia services.
Iniatras mismo ng ARTA noong Hunyo 17, 2022 ang nauna nitong desisyon na pumapabor sa Newsnet na pagmamay-ari ng negosyanteng si Mel Velarde na isang bagay na diniinan pa ng Palasyo kinalaunan.
Noong nakaraang buwan ay tuluyan nang ibinasura ng Office of the President (OP) ang apela ng Newsnet para magkaroon ito ng LMDS.
Sa desisyon na pirmado ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin sa ngalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., “moot and academic” na ang apela ng Newsnet dahil nag-expire na rin ang legislative franchise ng korporasyon.