90-day extension ikinagalak
MANILA, Philippines — Ikinagalak at suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang desisyong palawigin nang 90 araw ang deadline para sa mandatory SIM card registration sa bansa.
Ang extension ay tugon sa apela ng publiko na bigyan pa sila ng maraming oras upang mairehistro ang kanilang mga SIM card, lalo sa mga hindi handa sa bagong requirement.
Ibinahagi ni Go na kamakailan ay umapela siya sa Department of Information and Communications Technology na magbigay ng palawig upang ang maraming sim card users ay makapagrehistro lalo’t ito ang unang pagkakataon na ginawa itong mandatoryo.
Hiniling din niya sa telecom companies na gawing mas madali o simple ang proseso para matagumpay na makapagrehistro ang ating mga kababayan na hindi bihasa sa internet.
Para sa mga hindi pa nakapagpaparehistro ng kanilang SIM card, hinimok sila ni Go na samantalahin ang extension period kasabay ng pagpapaalala na ang nasabing batas ay para sa kapakanan at proteksyon ng lahat.
“Samantalahin na ninyo ang palugit na ito upang hindi maputol ang mga serbisyong nakukuha gamit ang mobile phone,” ani Go.
“Para din sa inyong proteksyun at ikabubuti ng lahat ang hangarin ng batas na ito,” dagdag niya.