MANILA, Philippines — Ikinokonsidera ng Department of Information Communications Technology (DICT) ang unti-unti nang pag-disable ng mga featured services ng mga SIM cards, na hindi pa rin irerehistro ng mga may-ari nito, sa loob ng 90-day extension na ipinatupad ng pamahalaan sa SIM card registration.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na ito ay ilan lamang sa mga ‘insentibo’ na pinag-aaralan nila sa ngayon upang mabigyan ng ‘aral’ ang mga SIM card owners na ayaw pa ring tumalima sa deadline ng pagrerehistro ng SIM cards.
“So ‘yung matitigas ‘yung mga ulo, they wanted some convincing, whether we’re serious or not, makakatikim sila nitong mga ‘incentives’ namin,” babala pa ni Uy.
Ipinaliwanag pa ni Uy na sa panahon ng 90-day extension ay oobserbahan nila ang rate ng registration.
Matapos aniya ang 30 o hanggang 60-araw ng ektensiyon at marami pa rin ang hindi nagrerehistro ay sisimulan na nila ang unti-unting pag-deactivate ng ilang serbisyo ng SIM cards ng mga ito.
Kabilang aniya sa mga ikinukonsidera nila ay ang pagtatanggal ng access sa social media sites ng mga unregistered SIM subscribers.
Gayunman, papayagan pa rin silang makapag-text at makatawag gamit ang kanilang mga numero.
“And then after a certain period you will lose your outgoing calls so that way ramdam ninyo kung ano ‘yung effect na hindi kayo nagpaparehistro,” babala pa ni Uy.
Sa sandali naman aniyang matapos na ang 90-day period, tuluyan na nilang ide-deactivate o aalisin ang lahat ng serbisyo ng SIM cards na hindi pa rin inirerehistro ng may-ari nito.
Matatandaang ang SIM card registration ay nakatakda sanang magtapos ngayong Miyerkules, Abril 26, ngunit ipinasya ng pamahalaan na palawigin pa ito ng 90-araw dahil mahigit kalahati o 52.04% pa lamang ng kabuuang SIM cards na naipagbili sa bansa ang nairerehistro hanggang nitong Abril 24, 2023.