Pagbabalik ng school vacation sa Marso, pinag-aaralan - Marcos

High school students wait for their time in front Marikina High School in Marikina on November 2, 2022, DepEd also announced the full face-to-face classes for public and private schools will resume.
STAR / Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabalik ng bakasyon sa paaralan tuwing Marso sa halip na gawin ito mula Hunyo hanggang Hulyo.

“Pinag-aaralan natin ng mabuti ‘yan dahil nga marami ngang nagsasabi pwede na, tapos na ‘yung lockdown. Karamihan na ng eskwela, face-to-face na, kaunti na lang ‘yung hindi na,” ani Marcos.

Kung matatandaan, na-adjust ang bakasyon sa paaralan dahil sa COVID-19 pandemic.

Ipinaliwanag ni Marcos na sa hybrid na sistema ng edukasyon mayroon pumapasok sa mga pa­aralan at mayroon ding ginagawa ang klase online sa pamamagitan ng tinatawag na “zoom.”

Sinabi pa ni Marcos na dapat ding isaalang-alang ang bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ilang lugar.

Inilutang ni Senator Sherwin Gatchalian, chair ng Senate committee on basic education, ang ideya na ibalik ang bakasyon sa paaralan sa panahon ng tag-araw dahil ang mainit na panahon ay nakaapekto sa mga klase sa buong bansa.

Sa Occidental Min­doro, hindi bababa sa 145 na mag-aaral ang naospital simula noong Marso dahil sa matinding init at hindi dire-diretsong suplay ng kuryente sa lalawigan.

Naospital din noong Marso ang 100 estud­yante sa Laguna dahil sa dehydration matapos magsagawa ng surprise fire drill ang isang paaralan.

Show comments