Pagbabalik ng school vacation sa Marso, pinag-aaralan - Marcos
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabalik ng bakasyon sa paaralan tuwing Marso sa halip na gawin ito mula Hunyo hanggang Hulyo.
“Pinag-aaralan natin ng mabuti ‘yan dahil nga marami ngang nagsasabi pwede na, tapos na ‘yung lockdown. Karamihan na ng eskwela, face-to-face na, kaunti na lang ‘yung hindi na,” ani Marcos.
Kung matatandaan, na-adjust ang bakasyon sa paaralan dahil sa COVID-19 pandemic.
Ipinaliwanag ni Marcos na sa hybrid na sistema ng edukasyon mayroon pumapasok sa mga paaralan at mayroon ding ginagawa ang klase online sa pamamagitan ng tinatawag na “zoom.”
Sinabi pa ni Marcos na dapat ding isaalang-alang ang bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ilang lugar.
Inilutang ni Senator Sherwin Gatchalian, chair ng Senate committee on basic education, ang ideya na ibalik ang bakasyon sa paaralan sa panahon ng tag-araw dahil ang mainit na panahon ay nakaapekto sa mga klase sa buong bansa.
Sa Occidental Mindoro, hindi bababa sa 145 na mag-aaral ang naospital simula noong Marso dahil sa matinding init at hindi dire-diretsong suplay ng kuryente sa lalawigan.
Naospital din noong Marso ang 100 estudyante sa Laguna dahil sa dehydration matapos magsagawa ng surprise fire drill ang isang paaralan.
- Latest