MANILA, Philippines — Maaaring magsuspinde ng face-to-face classes ang mga paaralan sa bansa at lumipat sa modular distance learning kung matindi ang init ng panahon at walang kuryente.
Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, ito ay alinsunod sa memorandum order na inisyu sa mga public at private school heads noong Abril 20.
Sinabi ni Poa na ang mga paaralan ay may otoridad at responsibilidad na suspindihin ang in-person classes at lumipat sa alternative delivery modes (ADM), sa panahon ng ‘unfavorable weather and environment’, gaya ng, ngunit hindi limitado sa, ‘extremely high temperatures’ na maaaring makaapekto sa pagdaraos ng classroom learning at maglalagay sa panganib sa kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral.
“Iba-iba po kasi ang situation ng ating mga paaralan. Kaya school heads po ang magde-determine. Ayaw rin po nating makaapekto sa kalusugan ng ating mga learners ang napakainit na panahon, kaya po pinaalalahanan natin ang mga school heads na maaari silang mag-switch agad sa ADMs,” ayon pa kay Poa.
Nitong Huwebes, ang heat index sa Dagupan, Pangasinan at sa NAIA, Pasay City ay umabot sa 43°C.
Una na ring nagbabala ang PAGASA na makakaranas pa ng mas mainit na panahon ang bansa sa mga susunod na araw.