Shortlist sa bagong PNP chief isinumite na kay Pangulong Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Hawak na ng Malacañang ang shortlist para sa susunod na hepe ng Philippine National Police kapalit ng nagretirong si Gen. Rodolfo Azurin Jr.
Ayon kay Azurin, naisumite na ng National Police Commission (Napolcom) ang pangalan ng mga posibleng pumalit sa kanya subalit wala siyang ideya kung sinu-sino ang mga ito.
Ngayong araw ang kaarawan at pagreretiro ni Azurin sa pagseserbisyo sa Pambansang Pulisya.
Nasa kamay na ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. kung sino ang itatalaga nito upang ipagpatuloy ang mga proyekto at kampanya ng PNP para sa peace and order ng bansa.
Ngayong umaga gaganapin ang change-of-command and retirement honors ceremony para kay Azurin sa Camp Crame na dadaluhan ni Marcos.==
Sinabi ni Azurin na karangalan niya na pagkatiwalaan ni Pangulong Marcos upang pamunuan ang nasa 220,000 pulis.
Aniya, hindi siya nagsisisi bagama’t samut sari ang mga kontrobersiya na kinasangkutan ng PNP. Ang mahalaga aniya ay maitama ang lahat ng mga pagkakamali at makapagsimula ng pagbabago.
Handa pa rin siyang manatili bilang miyembro ng 5 man committee bunsod ng usapin sa illegal drug trade.
- Latest