Alert Level 3 sa Sudan ikinokonsidera ng DFA

MANILA, Philippines — Ikinokonsidera ng Department of Foreign Affairs (DFA) na itaas ang alert status sa Sudan sa Alert Level 3 dahil patuloy na tumataas ang bilang ng mga Pilipinong gustong umalis ng bansa.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo Jose de Vega na inirekomenda na ng kanyang ahensya na itaas ang alert status mula Level 2 hanggang Level 3 mula noong nakaraang linggo.
“Intense hostilities so we are telling the Pinoys to stay indoors. We can raise this if the situation is not improve soon,” ani De Vega.
Sinabi rin ni De Vega na naghihintay sila ng eksaktong bilang ng mga humihingi ng tulong para makabalik ng bansa o ma-rescue.
Ang embahada aniya ng Pilipinas sa Cairo, Egypt ay mayroon ng set-up para sa bawat tigil-putukan ay maaaring bumili ang mga Pilipino ng kanilang mga suplay ng pagkain sa mga groceries.
Ang alert level 3 ay nangangahulugan ng boluntaryong pagpapauwi ng mga Pilipino sa bansa, batay sa mga naunang alituntunin ng ahensya.
Nauna nang sinabi ni De Vega na naghahanda na ang embahada ng bansa sa Cairo, Egypt para sa posibleng pagsagip sa humigit-kumulang 80 Pinoy doon.
- Latest