Suporta sa electric vehicles bilang sagot sa tumataas na presyo ng langis, umiigting
MAYNILA, Philippines — Isinusulong ni Sen. Sherwin Gatchalian ang paggamit ng elecrtric vehicles (EVs) sa bansa sa pamamagitan ng implementasyon ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) bilang tugon sa kahaharaping potensiyal na pagtaas ng presyo ng langis.
Ito'y kasunod ng price hike na ipinatupad ng mga local oil firm noong mga nakaraang linggo.
"This event is unfortunate, and the government should immediately take actions that would cushion the impact of a possible effect on the domestic economy, particularly since this would further intensify inflationary pressures," sabi ng senador.
Hinimok ng senador, na siyang vice chairman ng Senate committee on energy, ng Department of Energy na pabilisin ang pagpapatupad ng EVIDA law upang mabawasan ang pag-depende ng bansa sa imported oil.
Ito umano'y upang mabigyang daan ang paggamit ng mas marami pang EVs sa bansa.
"We all know that any disruption in the supply of oil would result to higher prices. That is why the government should act fast in addressing the challenges so that the sectors most affected will have immediate protection," dagdag pa ni Gatchalian.
Ang panawagan ng senador ay kasabay rin ng lumalakas na "multi-sectoral call" na isama sa import tariff exemptions ang electric motorcycles.
Sa simula ng taong ito, ipinasa ng gobyerno ang Executive Order No. 12 series of 2023 na naglalayong pababain ang taripa sa mga EVs at piyesa nito upang mahikayat ang mga Pilipino na gumamit ng EVs at mabawasan ang carbon emission ng bansa.
Iba't ibang uri ng EVs ang kasama sa nasabing insentibo na silang unang nakatanggap ng taripang mula 5% hanggang 30% na ngayo'y naging 0%. Ito'y maliban sa mga e-motorcycles na nakatatanggap pa rin ng 30% import duty.
Una nang sinabi ni Propesor at Fellow for Education ng Stratbase ADR Institute Louie Montemar na mas kaakit-akit para sa mga salat na Pilipino ang mga EV bilang moda transportasyon gayong patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo.
Kasama rito ang mga two-wheeled vehicles na ayon sa kanya ay "work enablers" umano para sa mga mahihirap gayong magagamit nila ito papunta sa kanilang mga trabaho at eskwela.
Sinabi rin Miss Earth 2022 Mina Sue Choi na bagaman hindi magiging madali ang transisyon dahil sa mas mura ang gasolina ay mangyayari pa rin umano ang pagbabagong ito.
Ayon sa Statista Research Department pinangungunahan pa rin ng coal ang power production ng bansa sa 47.6%, sinundan ng fossils sa 18%, at gas sa 10.7% na mayroong total na 76.3%.
Samantalang ang mga renewable energy naman tulad ng wind, solar, bioenergy, hydro at iba pa ay may kabuuang 23.7% sa total na power source ng bansa.
- Latest