MANILA, Philippines — Nasa 145 estudyante ang naospital makaraang mahilo at himatayin dahil sa matinding init ng panahon na pinalala pa ng pagkawala ng kuryente sa Occidental Mindoro.
Ayon kay Department of Education Assistant Schools Division Superintendent Rodel Magnaye, pito sa mga estudyante ng San Jose National High School, ang nahirapan huminga na nauwi sa pagkahimatay, 10 ang nakaramdam ng pagkahilo habang ang iba ay dumanas ng matinding sakit ng ulo.
Nabatid na mahigit isang buwan na ang nararanasang krisis sa kuryente ng Occ. Mindoro.
Ayon pa kay Magnaye, bagamat marami na rin ang mga electric fan sa mga silid-aralan, kabilang na ang mga solar-powered pinapayuhan pa rin ang mga magulang na pagbaunin ng tubig ang kanilang anak.
Ginawa rin nilang alternatibo ang paglimita sa pasok ng mga estudyante.
Kaugnay nito, isinailalim na sa state of calamity ang Occ. Mindoro dahil 4 na oras lamang kada araw may suplay ng kuryente sa nasabing lalawigan.
Ayon kay Vice Governor Diana Apigo Tayag, matindi na ang epekto ng blackout sa pag-aaral ng mga estudyante, kalusugan at kabuhayan ng mga residente na sinabayan pa ng init ng panahon.