‘Gunman’ sa Degamo slay humarap sa Senado
MANILA, Philippines — Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang sinasabing isa umano sa mga gunmen sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo na si Police Staff Sgt. Noel Alabata.
Napag-alaman na aktibo pa rin si Alabata na kasalukuyang nakatalaga sa PNP-Drug Enforcement Group-Region 6.
Naunang nakulong si Alabata noong March 21 sa assasination attempt umano nito sa mga may-ari ng maliit na tocino restaurant sa Dumaguete kung saan nabaril ito sa leeg at na-comatose ng 2 linggo.
Nang makalabas ng ospital ay nakulong din si Alabata subalit napiyansahan kalaunan sa ilalim ng ibang pangalan na Alfonso Tan.
Magkagayunman, mistulang nagka-amnesia si Alabata dahil lahat ng nangyari sa kanya noong March 2021 ay hindi niya matandaan.
Depensa ni Alabata, nasa Dumaguete siya ng panahon na iyon para dalawin ang puntod ng kanyang ama na doon nakalibing at wala na siyang matandaan sa mga sumunod na insidente.
Itinatanggi rin ng pulis na nabaril siya sa leeg ng may-ari ng kainan noong nagkagulo na subalit batay sa inilabas na dokumento na galing sa doctor na sumuri kay Alabata, may tama ito sa leeg nang maagaw ng may-ari ang dala nitong baril at nagkaroon din ng tama sa ulo nang kuyugin ng mga sibilyan doon sa lugar.
Pinagtatakahan din ng mga miyembro ng komite kung saan nakuha ni Alabata ang piyansa na aabot sa P120,000 at paano siya nagkaroon ng abogado na hindi basta-basta makukuha ng isang ordinaryong tao.
- Latest