MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ideklarang terorista si suspended Cong. Arnolfo Teves Jr.
Sa pagdinig ng Senado, naitanong ni Senate Majority Leader Joel Villanueva kung anong mga ebidensya ang kailangan para masabing ang isang indibidwal ay nakagawa ng ‘acts of terrorism’ salig na rin sa Anti-Terrorism Law.
Tugon ni Remulla, ang lahat ng nangyari noong Marso 4 na pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at sa iba pa habang namamahagi ng ayuda sa mga constituents sa kanyang tahanan ay may marka ng terorismo.
Saklaw umano ng Anti-Terrorism Law ang ginawang recruitment, financing, gayundin ang pagbili at distribusyon ng mga armas.
Magkagayunman, sinabi ni Remulla na hindi pa sila makapaghain agad ng anti-terror case dahil marami pang dapat silipin na legal theory at research para mapatunayang isang kaso nga ng terorismo ang nangyaring krimen.
Paliwanag pa ng Kalihim, kung maghahain kaagad ng terrorism case laban sa mga sangkot sa naganap na krimen ay maaari itong magdulot ng prejudice o makaapekto sa iba pang convictions ng murder at multiple murder.
Para kay Remulla, nakita nila ang Anti-Terrorism Law na ‘most applicable’ sa kaso para tuluyang mapasuko ang isang suspek.
Idinagdag pa niya na ipupursige nila ang anggulo na ito at kung hindi mapapasuko si Teves ay gagawin nilang maliit ang mundo ng kongresista sa pamamagitan ng pag-designate dito bilang isang terorista.