Super Health Center sa Dipolog sinuri, mahihirap inayudahan ni Bong Go
MANILA, Philippines — Nagsagawa ng inspeksyon si Senator Christopher “Bong” Go sa Super Health Center sa Dipolog City, Zamboanga del Norte kasabay ng pangangakong ipagpapatuloy ang pagsusulong ng adbokasiyang palakasin ang pangangalaga sa kalusugan ng bansa.
Unang dumalo si Go sa groundbreaking ceremony ng Super Health Center noong Marso 3.
Ang Super Health Center sa Dipolog City ay magbibigay ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan tulad ng database management, out-patient services, birthing facility, isolation facility, diagnostic (laboratory, x-ray, at ultrasound) services, pharmacy services, at ambulatory surgical unit.
May espesyal din itong serbisyo tulad ng pangangalaga sa mata, tainga, ilong, at lalamunan (EENT), mga oncology center, physical therapy at rehabilitation center, at serbisyong telemedicine.
“Noon, sa mga napakalayong lugar ay walang access sa ospital ‘yung mga buntis at manganganak na lang sa jeep at tricycle. Sa layo ng biyahe, hindi na umaabot sa ospital,” ani Go.
“Ngayon po, magkakaroon na ng Super Health Center sa mga liblib na komunidad. Para ito sa mga kababayan natin sa malalayong lugar, makakatulong po ito lalo sa mga mahirap,” dagdag niya.
Bukod sa pag-inspeksyon sa SHC, naroon din si Go para sa turnover ng tatlong bagong ambulance units sa Dipolog.
Sinuportahan ni Go ang pagpopondo para sa mga proyektong ito bilang vice chair ng Senate Committee on Finance.
- Latest