MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa mga lamok na naghahatid ng dengue dahil hindi umano pinalalagpas nito ang panahon ng tag-init sa pagpapakalat ng sakit.
Sinabi ni DOH Officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na marami ang nag-aakala na tuwing tag-ulan lamang umaatake ang mga lamok na may dengue. Ngunit hindi ito ang kaso sa Pilipinas tuwing tag-init.
“Ang dengue po dito sa Pilipinas ay endemic. Ibig sabihin, whatever type of season or month, ay nangyayari ang dengue sa bansa,” saad ni Vergeire.
Ipinaliwanag niya na tuwing tag-init kung kailan kapos ang suplay ng tubig, marami sa tao ang nag-iimbak ng tubig sa mga dram, palanggana, at timba nang hindi tinatakpan. Dito umano nangingitlog ang mga lamok kapag naging ‘stagnant’ ang tubig.
“So, iyon pong ating iniipon na tubig ay clear at stagnant iyan. Kailangan takpan ng lahat ng sisidlan ng tubig para maiwasan ang mga lamok ay magmultiply at magkaroon sa ating kabahayan,” payo ng opisyal.
Mula Enero 1 hanggang Marso 18, nakapagtala na ang bansa ng 27,670 kaso ng dengue. Mas mataas ito ng 94% kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa parehong mga buwan na umabot sa 14,278.
Karamihan sa mga bagong naitalang kaso ay sa National Capital Region (3,898), Central Luzon (3,053), at Davao Region (2,707).