47 opisyal, tauhan ng PNP mananagot sa P6.7-bilyong shabu

MANILA, Philippines — Nakitaan ng Philippine National Police (PNP) na may kriminal at administratibong pananagutan ang nasa 47 tauhan at opisyal nito kaugnay sa nakumpiskang 990 kilo ng shabu sa Maynila noong nakaraang taon.
Ito ay batay sa memorandum na nilagdaan ni PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Director Police Major General Eliseo Cruz.
Karamihan sa mga pulis na sangkot ay galing sa Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) na pinamumunuan ni dating PDEG chief Police Brigadier General Narciso Domingo.
Ipinag-utos na ng Special Investigation Task Group 990 (SITG 990) sa 47 opisyal at tauhan na isurender ang kanilang mga armas.
Nakatakdang magsagawa ng press conference sa Lunes ang SITG 990 upang talakayin ang mga natuklasan sa imbestigasyon sa kaso ng nasibak na si dating Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. matapos masamsam ang 990 kilo ng shabu sa lending company na pag-aari nito sa drug bust noong Oktubre 2022. Si Mayo na isang intelligence officer ng PDEG ay naaresto sa serye ng operasyon.
Una nang naghain ng leave of absence si Domingo matapos tukuyin ni DILG Secretary Benhur Abalos na kabilang sa dalawang general at siyam na iba pang opisyal ng PNP na sangkot umano sa “cover-up”.
Una nang itinanggi ni Domingo ang paratang at iginiit na ang paghahain niya ng leave of absence ay upang bigyang daan ang imbestigasyon.
- Latest