Apektado ng oil spill sa Mindoro inayudahan ni Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Namahagi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Sabado ng tulong at livelihood sa mga pamilya at mangingisdang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Kasama ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), namahagi si Marcos ng P98.6 milyong halaga ng family food packs sa mga pamilyang naapektuhan ng oil spill sa lalawigan.
Personal na pinangunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng iba’t ibang tulong katulad ng mga bangkang pangisda, fish smoking machine, water pump, mga buto ng gulay at mga certified palay seeds sa mga mangingisda at residente ng Pola.
Ang mga munisipalidad ng Oriental Mindoro na nakatanggap ng tulong ng gobyerno ay kinabibilangan ng Baco, Bansud, Bongabong, Bulalacao, Calapan City, Gloria, Naujan, Mansalay, Pinamalayan, Pola, Roxas, San Teodoro, Socorro, at Victoria.
Nagsasagawa rin ang DSWD ng cash-for-work program sa mga clean-up operation ng gobyerno sa pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Iniulat ng DSWD na mayroong mahigit 25,000 pamilya sa 14 na bayan ang nakikibahagi sa programa na may kabuuang alokasyon ng badyet na P190.1 milyon.
Kabilang sa mga aktibidad na isinasagawa ay ang oil spill clean-up sa mga baybayin sa ilalim ng gabay ng DENR, land clearing para sa communal garden, pagtatatag ng barangay at background gardening, paghakot at paghawak ng mga food packs ng pamilya, at paglilinis ng mga kanal para makaiwas sa baha.
Nauna nang nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Marcos sa mga komunidad na apektado ng oil spill sa lalawigan at nakiisa sa mga ahensya at lokal na opisyal sa situation briefing.
- Latest