El Niño task force, binuhay ng DA
MANILA, Philippines — Muling binuhay ng Department of Agriculture ang ‘El Niño’ task force bilang tugon sa pagpasok ng El Niño o panahon ng tag-init.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa, tututukan ng task force ang pag-streamline sa pondo ng mga proyekto, pagpapagawa ng mga irigasyon, pagtitipid sa tubig at iba pa.
“Sa ngayong taon, for small-scale irrigation projects, naglaan tayo ng mahigit P750 million na pondo para dito sa tinatawag natin na water... pumps, small-scale irrigation projects, at iba-iba pang proyekto na tutugon dito sa patubig,” pahayag ni De Mesa.
Si DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang tatayong chairman ng task force.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa National Irrigation Administration (NIA) para tiyakin na naaayon ang mga proyekto sa mga lugar na maaapektuhan ng El Niño.
Sinabi pa ni De Mesa na tukoy na ng kanilang hanay ang uri ng palay na “drought-resistant”.
Balak na rin ng DA na i-adjust ang planting calendar pati na ang pagsasagawa ng cloud-seeding operations.
Ayon sa Pagasa, magsisimula ang El Niño sa ikatlong quarter ng 2023 o Hulyo hanggang Setyembre at tatagal sa susunod na taon.— Malou Escudero
- Latest