MANILA, Philippines — Higit sa isang milyong batang Pilipino ang iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) na sangkot sa child labor sa bansa sanhi upang bumalangkas ang kagawaran ng mas malakas na kampanya para maresolba ang problemang ito.
Base sa ‘Special Release on Working Children Situation for 2019 to 2021 ‘ na inilathala ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong 1.37 milyong bata ang nagtatrabaho sa ngayon.
Pinakamarami sa sektor ng agrikultura at pinakamataas ang insidente ng child labor sa Northern Mindanao region.
Dito umano palalakasin ng DOLE ang kanilang pag-monitor sa mga batang laborers at pagsasagawa ng hakbang para maalis sila dito, ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
Mula 2018 hanggang 2022, nasa 620,556 child laborers ang kanilang na-profile, 614,066 ang nai-refer sa kaukulang mga ahensiya at organisasyon, nakapagbigay ng serbisyo sa 138,460 at naialis sa child labor ang 148,248 sa kanila.
Ngayong 2023, prayoridad ng DOLE na maalis sa child labor ang nasa 160,288 bata na na-profile noong 2022.