PNP chief handang ipaliwanag ang ‘cover up’ sa Senado
MANILA, Philippines — Handa umano si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na humarap at magpaliwanag sa Senado sakaling magkaroon ng imbestigasyon hinggil sa umano’y cover up sa P6.7 bilyong halaga ng shabu na nasabat sa Maynila noong nakaraang taon.
Ayon kay PNP-PIO chief PCo. Red Maranan, tatalima ang PNP dito matapos na humiling ng legislative inquiry si Sen. Bong Revilla upang bigyang linaw ang sinasabing pagtatangkang i-cover up ng ilang matataas na opisyal ng PNP.
Ani Maranan, ipaliliwanag ni Azurin sa tamang panahon ang isyu sa nakumpiskang 990 kilos ng shabu. Iginagalang din nila ang kahilingan ni Revilla.
Binigyan diin din ni Maranan na si Azurin na ang magpapaliwanag ng lahat upang maiwasan ang kalituhan.
Tumanggi naman si Maranan na magbigay ng reaksiyon sa naging pahayag at pagbubunyag ni Interior and Local Government Secretary sa umano’y sabwatan at cover up ng mga opisyal at tauhan ng PNP-Philippine Drug Enforcement Group (PDEG).
Kabilang sa ‘pinagbabakasyon’ ni Abalos sina PDEG Director PBGen. Narciso Domingo; PLt. Gen. Benjamin Santos, na noo’y PNP deputy chief for operations; PLt. Col. Glenn Gonzales ng Quezon City Police District; PLt. Col. Arnulfo Ibañez, OIC ng PDEG SOU- NCR;PMajor Michael Angelo Salmingo, deputy ng PDEG SOU NCR; PCapt. Jonathan Sosongco, hepe ng PDEG SOU 4A arrest team; PLt. Ashrap Amerol, intelligence officer ng PDEG Intelligence and Foreign Liaison Division; PLt. Col. Harry Lorenzo station commander ng Manila Police District in Moriones at PCapt. Randolph Piñon, hepe ng PDEG SOU 4A Intelligence Section. - Doris Franche-Borja
- Latest