MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban ang pagtaas ng pamasahe sa LRT-1 at 2 habang nakabinbin ang pag-aaral sa epekto nito sa ekonomiya at mga commuters.
“In compliance with the President’s instruction, we will thoroughly study how a fare hike today will impact on passengers of our three rail lines in Metro Manila,” sabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista.
Noong 2015 pa huling inaprubahan ang fare hike para sa LRT-2 at MRT-3. Habang ang LRT-1, na isinapribado noong 2015, ay naghain ng fare hike petitions noong 2016, 2018, 2020, at 2022, na lahat ay ipinagpaliban.
Ayon kay Bautista, ang kikitain sa pagtaas ay gagamitin sana para sa technical capability, serbisyo at pasilidad ng dalawang linya ng tren.
Una rito, sinabi ni DOTr Undersecretary for Railways Cesar Chavez na inaprubahan ng Rail Regulatory Unit (RRU) ang fare hike petitions ng dalawang railway lines para i-adjust ang train boarding fee ng P2.29 at may karagdagang 21 sentimo kada kilometro na nabiyahe ng mga tren.
Dahil sa inaprubahang adjustment, ang minimum boarding fee para sa dalawang linya ay tumaas sa P13.29 mula sa dating P11 lamang at P1.21 naman mula sa dating P1, para sa kada kilometrong nabiyahe nito.
Dagdag pa niya, ang fare hike petition naman para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ay ipinagpaliban din dahil sa ‘infirmities’ sa pagtalima sa requirements at procedure.
Matatandaang ang MRT-3 ay nagsumite na rin ng petisyon sa RRU para sa fare rate increase na mula P4 hanggang P6 dahil sa kawalan nito ng kita. —
Mer Layson