MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na maisabatas ngayong taon ang panukalang gawing mandatory ang Reserve Officer Training Corps o ROTC sa kolehiyo gayundin sa Technical at Vocational courses.
Sa ngayon nakasalang na sa plenaryo ng Senado ang nasabing panukala at isasalang sa debate sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo habang naaprubahan na ito sa Kamara.
Sinabi naman ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na alangan na itong umabot sa ikalawang State of the Nation (SONA) address ni Pangulong Bongbong Marcos sa Hulyo.
Subalit napagkasunduan na umano ito ng Kongreso at Ehekutibo na isabatas bago matapos ang taon at wala naman umanong tumututol sa panukala kundi ang kakaunting makakaliwa na kontra rito.
Sa ilalim ng panukala, hindi makaka-graduate sa kolehiyo at technical vocational courses kapag hindi sumailalim sa ROTC maging sa mga babae at foreign students at magiging exempted lang kung may kapansanan o salungat sa relihiyon ang trainings.
Bukod sa physical at military education ay ituturo rin sa ROTC ang karapatang pantao, pangangalaga sa kalikasan, pagmamahal sa bansa maging ang paghahanda at pagtugon sa sakuna.
Paliwanag pa ni Dela Rosa na magkakaroon ng grievance mechanism at safeguards para matiyak na walang mangyayaring pang-aabuso at hazing at sagutin ng gobyerno ang ROTC.