MANILA, Philippines — Umaabot sa 72 katao ang naiulat na nasawi bunsod ng pagkalunod sa iba’t ibang resort at beach sa gitna ng paggunita ng Semana Santa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo, ang mga insidente ay naitala sa Calabarzon, Ilocos, Bicol at Central Luzon.
Paliwanag ni Fajardo, ang pagdagsa ng mga bakasyunista at bunsod ng mahabang holidays at matagal na pananatili sa mga tahanan dahil sa COVID-19.
“People got a bit excited to go to beaches and resorts,” ani Fajardo.
Ang mga namatay ay bunga ng kawalan ng bantay sa mga bata habang naglalangoy at kalasingan.
“Nakita natin sa report, particularly ‘yung mga minor po, napabayaang naglalangoy sa dagat at biglang napunta doon sa malalim na bahagi. ‘Yung iba naman po sa swimming pools,” dagdag pa ni Fajardo.
Itinuturing ni Fajardo na “unusual” at mataas ang bilang ng mga nasawi kumpara sa nagdaang mga taon.
Ani Fajardo, siksikan ang mga resort at mga beach kaya nahirapan ding marespondehan agad ang lugar ng pinangyarihan ng insidente.
Kaugnay nito, nagpaalala si PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na bantayang maigi ang mga bata tuwing may family outings, at iwasan din aniya ang paglalasing habang nagsu-swimming upang maiwasan naman ang mga insidente ng pagkalunod.