MANILA, Philippines — Pinarangalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang mga bayani ng World War II (WWII) ng bansa, kasabay ang hiling sa mga Pilipino na magtiwala na magiging maganda ang bukas habang hinaharap ang araw-araw na hamon ng buhay.
Sa kanyang talumpati sa paggunita sa ika-81 Araw ng Kagitingan sa Mount Samat National Shrine sa Pilar, Bataan, sinabi ni Marcos na muling ipinakita ng mga Pilipino ang kakayahan na harapin ang pinakahuling worldwide crisis at ang magbigay ng serbisyo sa iba.
Ipinahayag din ni Marcos ang kanyang pasasalamat sa mga bayaning Pilipino na “nakipaglaban at namatay” sa Bataan at naipakita aniya ng mga ito ang paraan kung paano maging pinakamahusay na mamamayan ng Republika.
Ang kabayanihang iyon, ani Marcos, ay makikita sa mga Filipino war veterans na nagbigay ng pag-asa sa bawat bata na magkaroon ng maliwanag na bukas.
Inihayag din ni Marcos na habang ang bawat Pilipino ay nagtatrabaho at nagsasakripisyo para mapakain ang kanilang mga pamilya, makatulong sa kanilang mga komunidad at makapaglingkod sa kanilang bansa, dapat aniyang ipagdiwang ang mga nasabing gawain upang maging buhay ang diwa ng pagiging makabayan.