MANILA, Philippines — Sa Araw ng Kagitingan, inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat kilalanin at bigyang halaga ang mga sakripisyo ng Filipino frontliners para sa bansa sa pagsasabing sila ang ating mga bayani sa pang-araw-araw nating buhay.
“Maraming salamat po sa inyong lahat na frontliners. Hindi po namin malilimutan ang inyong mga sakripisyo at dedikasyon sa panahon ng pandemyang ito. Kayo po ang mga bayani natin sa araw-araw.”
“The Araw ng Kagitingan honors our Filipino soldiers who bravely fought during the World War II against the Japanese forces. Nitong panahon ng krisis, iba naman ang ating kalaban. Hindi lamang ang mga sundalo at pulis ang lumalaban, kundi ang mga doktor, nurse, at iba pang mga frontliners na patuloy na nagseserbisyo at nagsasakripisyo para masalba ang buhay ng ating kapwa Pilipino,” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na prayoridad niya ang kapakanan ng Filipino frontliners dito at sa ibang bansa habang isinusulong ang ilang hakbang na makakabuti sa kanila.
Naghain siya ng SBN 422 na kung maisasabatas, magbibigay karapatan sa libreng legal na tulong sa sinumang opisyal o enlisted personnel ng AFP at Philippine National Police, na nahaharap sa pag-uusig sa anumang kaso na magmumula sa isang insidente na may kaugnayan sa pagganap ng opisyal na tungkulin.
Muling iginiit ng senador ang kanyang paninindigan sa mga panukalang reporma sa pension system para sa militar at iba pang unipormadong tauhan ng bansa.