MANILA, Philippines — Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sambayanan na igalang at kilalanin ang naging sakripisyo ng mga bayani ng Ikalawang Digmaan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan at labanan ang diskriminasyon.
Ito ang naging mensahe ni Marcos kahapon sa kanyang pakikiisa sa ika-81 taong paggunita ng Araw ng Kagitingan.
Ayon sa Pangulo, maraming pagsubok na ang pinagdaanan ng bansa mula noong Ikalawang Digmaan hanggang sa panahon ng insurgency, subalit naipakita natin sa buong mundo ang katatagang taglay ng mga Filipino.
Bukod pa rito, naipakita rin umano ng sambayanan na kayang harapin ang anumang pagsubok at nanatiling matatag at determinadong bumangon sa lahat ng pagkakataon.
Dahil dito, bilang pagkilala rin sa sakripisyo at legasiyang iniwan ng mga bayani, kaya hinikayat din ng Pangulo ang mga Filipino na labanan at manindigan laban diskriminasyon, tumulong sa mga nangangailangan at makipagtulungan para sa mas magandang kinabukasan.
Idinagdag pa ni Marcos na dapat matutunan din ng mga Filipino ang manindigan at gumawa ng mga tamang desisyon para matugunan ang mga problema ng bansa ng may malasakit at pagkilala sa karapatan ng bawat isa.
Sa kabila nito, pinaalalahanan naman ng punong ehekutibo ang sambayanan na nakasalalay sa kinabukasan ng bansa at susunod na mga henerasyon ang mga aksiyon at desisyon sa kasalukuyan.