Unang bagyo sa 2023, posibleng pumasok ngayong Miyerkules

Ito’y matapos na mamataan ng PAGASA ang namumuong sama ng panahon sa labas ng Mindanao.
PAGASA

MANILA, Philippines — Isang tropical depression ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang sa Miyerkules.

Ito’y matapos na mamataan ng PAGASA ang namumuong sama ng panahon sa labas ng Mindanao.

Ayon kay weather specialist Benison Estareja, ang low pressure area (LPA) ay inaasahang papasok sa PAR nitong Linggo ng gabi at maaaring tuluyang mamuo bilang isang tropical cyclone.

Dahil dito, asahan na ang pagkakaroon ng mga pag-ulan sa Eastern Visayas, Surigao del Norte, at Dinagat Island sa susunod na 24 na oras.

Bagamat maliit lamang aniya ang tiyansa na maging bagyo ang LPA ay mayroon pa rin itong posibilidad, sakaling makatawid na ito sa karagatan ng Pilipinas sa mga susunod na araw.

Asahan na rin ang mga pag-ulan sa Eastern Visayas, Caraga at Bicol regions.

Pagsapit ng Miyerkules, makakaapekto na ang LPA sa Calabarzon, Metro Manila, at Central Luzon.

Magtatagal ang mga pag-ulan hanggang Biyernes.

Sakaling hindi maging tropical depression ang LPA, maaari pa ring makaranas ng mga pag-ulan ang Southern Luzon at Visayas.

Sa sandaling tuluyang maging tropical cyclone ang LPA ay tatawagin itong “Amang”, na magiging unang bagyo ngayong taon, sa gitna ng banta ng El Niño phenomenon.

Show comments