6 Pinoy nakatakas sa sindikato ng love scam

MANILA, Philippines —  Anim na Pilipino ang nagawang makatakas sa kanilang mga emplo­yers sa Laos makaraang piliting pagtrabahuhin ng iligal ng isang sindikato, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na dumating sa bansa ang mga repatriated na Pinoy sakay ng PAL flight PR741 nitong Abril 6 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.

Nabatid na na-recruit ang mga biktima upang magtrabaho bilang chat support agents sa Thailand. Mula Thailand, dinala sila sa Laos kung saan pinuwersa silang magtrabaho sa isang sindikato.

Ipinagtapat nila na pinuwersa sila na magtrabaho sa isang kumpanya bilang mga ‘love scammers’ na target ay mga Asyano. Modus nila ang paghahanap ng kliyente na mai-inlove sa kanila at hihikayatin nila na mag-invest sa kanilang ‘pseudo company’.

Ikinuwento pa nila na tatlong beses na silang ibinibenta sa mga kumpanya bago sila makahingi ng tulong sa Philippine Embassy sa pamamagitan ng online communication.

“Imagine being sold like inanimate objects. These transnational crimes are becoming more and more alarming, and I call on everyone to remain vigilant,” saad pa ni Tansingco.

Show comments