MANILA, Philippines — Naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang mapaigting ang ugnayan sa pagitan ng basic education curriculum at early childhood education (ECEd).
Kung magiging batas, aamiyendahan ng Senate Bill 2029 ang Republic Act (RA) 10410 o ang Early Years Act of 2013 upang tugunan ang mga hamong kinakaharap ng ECEd sa bansa.
Nais ni Gatchalian na matiyak na taglay ng mga papasok sa Kindergarten ang mga kinakailangang skills at essential learning competencies at maiugnay ang Early Childhood Care and Development (ECCD) at K to 12 Basic Education Curriculum.
Sa kasalukuyan, ang RA 10410 ang nagbibigay ng legal framework para sa ECCD pero nananatili ang ilang mga hamon. Kabilang dito ang hindi pantay-pantay na paghahatid ng ECCD services dahil sa decentralization ng ECCD system.
Sa ilalim ng panukala, magiging tungkulin ng mga LGU na tiyaking may sapat na pasilidad para sa ECCD programs. Magiging tungkulin din nila na lumikom ng karagdagang pondo o resources para sa pagpapatupad ng ECCD programs. Mandato rin nila sa ilalim ng batas ang pagpapatayo o pag-convert sa mga kasalukuyang daycare centers na gawing child development centers (CDCs). Nakasaad din na dapat magkaroon ng hindi bababa sa isang national CDC kada siyudad o munisipalidad.
Sa pinakahuling datos noong Enero 31, 2023. Mayroong 1,260,707 batang naka-enroll sa mga CDC noong School Year 2021-2022, katumbas lamang ng 11% ng tinatayang populasyon ng mga batang apat na taong gulang pababa.
Tinukoy ni Gatchalian ang mga naging resulta ng pag-aaral kung saan nakitang maganda ang epekto ng early childhood education at development sa performance ng mga mag-aaral. Lumalabas kasi na mas mataas ang marka sa mathematics at science ng mga mag-aaral na nakapagsagawa ng mga literacy at numeracy activities kasama ang kanilang mga magulang bago pumasok sa primary school.