MANILA, Philippines — Pinatitigil ng mga samahan ng mga private schools ang mga panukalang inihain sa lehislatura na papayagang mag-exam ang mga estudyante kahit hindi pa nakakabayad ang mga ito ng kanilang tuition fees.
Sakaling maipasa ang mga ito, sinabi ng grupo na mapipilitang magsara na lamang ang maraming naghihingalong private schools dahil sa pagkalugi.
Sinabi ng Coordinating Council of Private Education Associations (COCOPEA) na nauunawaan nila ang layunin ng Senate Bill 1359 at House Bill 7584 na matulungan ang mga estudyante at pamilya ng mga ito.
Ngunit libo-libong mga guro at empleyado ang nakasalalay sa mga tuition fees na sinisingil ng mga pribadong paaralan.
Ayon kay COCOPEA Spokesperson and Legal Counsel, Atty. Kristine Carmina R. Manaog, kailangan ng mga private schools ng steady cash flow para sa kanilang operations, at anumang panukala na magbabawal sa mga ito na makapaningil sa tamang oras ay maaaring ikalugi ng mga ito at mapilitan na magsara na lamang. Dagdag pa ng COCOPEA na maraming private schools ang nag-aalok sa kasalukuyan ng mga installment plans at deferred payment schemes upang matulungan ang mga mag-aaral.
Sakaling maipasa ang mga panukalang papayagang mag-exam ang mga may utang pa sa eskwelahan ay mapipilitan ang mga private schools na tanggalin na rin ang mga programang ito.
Sinabi ni COCOPEA Chairperson Bernard Villamor na kapag hinayaan ang mga estudyanteng mag-exam kahit hindi pa sila nakakabayad ng mga utang ay magbibigay ito ng maling mensahe tungkol sa ‘financial responsibility’.
Nangangamba ang grupo na dahil sa mga panukalang pagbawalan ang ‘no permit, no exam’, maaaring tuluyan nang hindi magbayad ang mga estudyante at magulang ng mga ito ng kanilang mga tuition fees.