Solved na raw ang Degamo case, Teves camp pumalag
MANILA, Philippines — Tinawag na April’s fool joke ni Atty. Ferdinand Topacio ang claim ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na 99 percent nang solved ang kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Roel Degamo.
Sa Pandesal Forum sa Quezon City, sinabi ni Atty. Topacio, abogado ni Rep. Arnie Teves, palaisipan sa kanila kung ano ang batayan dito ni Remulla.
Ngunit tiniyak ni Topacio na hindi ang kanyang kliyente na si Cong. Teves ang nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI).
Katunayan, kausap niya pa ito kagabi sa telepono at sinabing nasa ibang bansa siya.
Sinabi ni Topacio na kung totoong 99% nang lutas ang kaso, paano pa maididiin sa kaso si Teves kung 0.1 percent na lang pala ang bahagi nito sa kaso.
Anya, kung tunay na hawak na ng otoridad ang umanoy “main player” sa pagpatay kay Degamo, bakit mag-aantay pa ng dalawang araw bago ito iharap sa media.
Umapela ang mga abogado ni Teves kay DILG secretary Benhur Abalos na silipin ang umano’y involvement ng mga pulis sa alegasyon ng harrassment at torture, dahil ito rin ang hiling ng mamamayan ng Negros Oriental.
Marami umano sa pamilya at supporters ng mga Teves ang umalis na sa Negros Oriental at lumipat na sa ibang mga probinsya dahil sa takot na madamay sa gulo.
Sinabi pa ni Topacio na kung 100 percent nang payag si House Speaker Martin Romualdez sa mga request ni Teves sa ligtas na pagbabalik sa Pilipinas, agad na babalik ang kanyang kliyente sa bansa.
Hindi naman nilinaw ni Topacio kung saan idederetso si Teves oras na bumalik sa Pilipinas para na rin sa kaligtasan ng mambabatas.
- Latest